“Hipon Girl” Herlene, ikinwento sa Tonitalks kung bakit back to zero siya ngayon

Si Herlene Budol o mas kilala bilang “Hipon Girl” ay unang sumikat sa programang Wowowin. Una siyang naging contestant sa naturang show at kalaunan ay naging regular nang bahagi ng programa. Bentang-benta ang ang jokes ni Herlene para sa masa kaya naman agad siyang nakagiliwan ng karamihan.

Imahe: Toni Talks/Youtube

Pero, sa kalagitnaan ng pandemya, isa si Herlene sa mga kababayan natin na nawalan ng kabuhayan. Hindi man halata sa kanyang masayahing disposisyon, may kinikimkim pala na paghihirap si Hipon Girl. Sa kanyang interbyu sa Toni Talks kasama si Toni Gonzaga, ibinahagi ni Herlene ang istorya ng kanyang personal na buhay na lingid sa kaalaman ng marami.

Ayon kay Hipon Girl, napakasaya niya noong naging regular na siya sa programang Wowowin, ito ang nagsilbing daan upang kahit paano ay makatulong siya sa kanyang pamilya. Pero, sa hindi inaasahang pagkakataon, ito pala ay pansamantala lamang.

Imahe: Toni Talks/Youtube

Noong nagsimulang maging limitado ang galaw ng mga tao, hindi na rin nagkaroon ng live audience ang Wowowin at isa na nga si Herlene sa mga staff nito na nawalan ng pagkakakitaan. Mabilis na naubos ang kanyang naipon dahil halos lahat ng kanyang kapamilya ay sa kanya na rin umaasa.

Lahad pa ni Herlene, marami sana siyang plano para sa ikabubuti ng pamumuhay ng kanyang pamilya pero sa hindi inaasahang pagkakataon, naudlot ang lahat ng ito. Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin si Herlene sa Wowowin dahil ito ang naging daan upang magbukas ang oportunidad sa kanya sa mundo ng showbiz.

Imahe: Toni Talks/Youtube

Ayon pa kay Herlene, mas lalong nalulungkot daw siya sa mga panahon na mayroong mga taong humihingi ng tulong sa kanya ngunit wala rin siyang maibigay sa mga ito. Dagdag pa sa bigat ng kalooban niya ang mga pagkakataon na hindi niya natutustusan ang pangangailangan ng kanyang lolo at lola na siyan nagpalaki sa kanya.

Sa kabila ng mga pagsubok na ito sa kanyang buhay, naniniwala pa rin si Hipon Girl na darating ang pagkakataon na malalagpasan niya ito at magiging matagumpay rin siya sa kanyang pakikipagsapalaran sa takbo ng buhay.

Samantala, ang lahat naman ng kikitain ng naturang episode ng Toni Talks ay mapupunta kay Herlene bilang tulong na rin sa kanya ng host nito na si Toni Gonzaga.

Mapapanood ang buong video rito: