Honest na scammer, umamin na scam lang at para sa load pang module ang nakuhang pera

Sa panahon ngayon, naglipana na sa social media ang mga scammer. Ang iba ay gumagamit pa ng pangalan at larawan ng ibang tao para lamang makapagnakaw sa mga inosenteng tao. Ngayon pa nga na mas lalong dumadami ang gumagamit ng online banking o di kaya’y online payment facilities, mistulang nagiging hightech na rin ang mga scammer.

Kagaya na lamang ng nangyari sa isang netizen na si Rose Pangan. Sa pamamagitan ng isang post sa Facebook group na “Online Pabili Holy Spirit”, ibinahagi niya ang screenshot ng pag-uusap nila ng isang online seller.

Ayon kay Pangan, ang transaksyon nila ng isang netizen rin na nagngangalang Michaela ay ukol sa pagbili niya ng Netflix account at ang kanilang usapan ay magse-send ng load si Pangan na halagang PHP75.

Matapos makapagsend ng pera, nagsend rin siya ng screenshot kay Michaela bilang patunay na nakapagbayad na siya. Ngunit, laking gulat na lamang niya na imbes na ang kapalit na Netflix Account ang e-reply nito, iba ang nabasa niya.

Ayon kay Michaela, isa raw talaga siyang scammer at hindi daw siya ang nasa larawan sa kanyang profile picture. Dagdag pa niya, kailangan niya lang daw talaga ng load para sa kanyang module. Agad ring naging deactivated ang kanyang account kaya hindi na nakapag-reply sa kanya si Pangan.

Ayon kay Pangan, ibinahagi niya ang karanasan niyang ito para magsilbing aral na rin sa ilan na dapat ay e-double check muna palagi ang pagiging legit ng isang seller bago pa man tayo magpalabas ng pera dahil maliit man ito o malaki, pera pa rin ito na pinaghirapan nating kitain.