Kiray: “Sorry Ellen, nauna talaga ako” kasabay ng pag-upload niya ng sweet na video nila ni Derek Ramsay

Sweet na sweet ang mangkasintahang Derek Ramsay at Ellen Adarna sa mga larawan at videos na kanilang pino-post sa social media accounts nila. Pero, mistulang talbog ang lahat ng mga ito sa isang maikling video na ini-upload ni Kiray Celis.

Sa pamamagitan ng isang Facebook post, nag-upload si Kiray ng isang video kung saan kitang-kita ang ka-sweetan nila ni Derek Ramsay sa isa’t-isa. Ang naturang video ay kuha sa isang beach at nakasuot ng pulang one piece bikini ang aktres. Ang aktor naman nakasuot ng kulay blue na sando at beach shorts habang naghahabulan sila sa buhangin.

Imahe: Kiray Celis/Facebook

Umabot pa nga sa isang punto na binuhat ni Ramsay si Celis at nagpaikot-ikot sila habang malaki ang ngiti sa kanilang mga labi. Mayroon ring pagkakataon na nahiga pa ang dalawa sa buhangin.

Sinamahan pa ni Kiray ang naturang post ng caption na “Sorry Ellen, nauna talaga ako” at nag-iwan rin siya ng komento na “Ellen, una siyang naging akin.”

Imahe: Kiray Celis/Facebook

Ikinatuwa naman ng netizens ang naturang video kaya naman mabilis itong naging trending. Sa katunayan, umabot na sa 73,000 ang nag react dito, higit 2,300 ang nag share at nag-iwan ng komento.

Matatandaang nagkasama na sa isang pelikula si Ramsay at si Celis na pinamagatang “Love is Blind” noong 2016. Ito ay halos apat na taon na bago pa man nagkaroon ng relasyon ang aktor at si Adarna.

Kamakailan lang din ay nag-propose na si Ramsay kay Adarna kaya naman higit na inaabangan na ng kanilang mga tagasuporta ang kanilang kasal.