“Mahiyaing groom napilitang sumayaw” sa isang KPop Song sa kanilang first dance

Ang KPop music ay kinahihiligan ngayon ng karamihan lalo na ng mga kabataan. Isa na nga rito ang mag-asawang ito na humataw sa isang Kpop song sa kanilang first dance bilang mag-asawa.

Ang imbes na sweet o sentimental song na karaniwang sinasayaw ng mga bagong mag-asawa sa araw ng kanilang kasal ay naging mas nakaka-aliw dahil humataw ang mag-asawang Darren at Louisse Esmade, sa saliw ng kantang “What is Love?” ng Kpop girl group na TWICE.

Imahe: Creative Parallax/Facebook

Sa isang video na viral na ngayon sa social media, makikita na noong nagsimula na ang tugtog ay medyo nahihiya pa ang groom ngunit kalaunan ay humataw na ito sa pagsayaw. Ngiting-ngiti rin ang mag-asawa habang nagsasayaw kaya mas lalo itong ikinatuwa ng kanilang mga bisita.

Ayon pa sa GMA news, inaral raw talaga ng bagong mag-asawa ang dance steps sa naturang sikat na KPop song sa pamamagitan ng panonood ng dance tutorial videos. Hindi naman inaasan ni Louisse na hahataw sa sayawan ang kanyang asawa lalo na at pang-babae ang steps para sa “What is Love?”

Imahe: Creative Parallax/Facebook

Sa simula ng video, makikita na medyo nahihiya pa si Darren pero noong umabot na sa chorus ng kanta ay todo hataw na ito at halos nasapawan pa niya sa hatawan ang kanyang bride.

Kaya naman, mas lalo pa nga silang nagulat noong naging viral ang kanilang video. Pero, proud pa rin ang mag-asawa dahil sa pamamagitan nito ay naging mas memorable pa ang kanilang kasal hindi lamang para sa mga bisita nila kundi para na rin sa lahat ng makaka-panood ng kanilang video online.