Food Panda rider, nakatanggap ng PHP45K mula sa BTS fans matapos mag viral ang post sa BTS meal

Ang K-pop group na BTS ay isa sa mga pinakasikat na banda ngayon sa buong mundo. Kaya naman, hindi na nakakagulat na dumagsa ang fans nila sa mga branches ng McDonald’s matapos inilunsad ang kanilang collaboration sa nasabing Fast Food chain na tinatawag na “BTS Meal.”

Dahil nga limitado pa rin ang paglabas ng mga tao sa kani-kanilang tahanan, bida ang pag-oorder nito sa mga Food Delivery Service. Isang rider na si Benjamin Baetiong ang nagbahagi ng kanyang selfie sa social media kasama ang caption ukol sa maraming order na natatanggap niya na puro BTS Meal.

Imahe: Benjamin Baetiong/Facebook

Agad na nag-viral ang kanyang post hanggang sa umabot na ito sa fans ng BTS na kung tawagin ay ARMYs. Ang grupong Tea Squad ang siyang unang nagsimula ng fundraiser para kay Baetiong. Noong una ay PHP7,000 lamang ang kanilang target ngunit sobra-sobra pa rito ang kanilang natanggap na mga donasyon.

Ilang oras lamang matapos ang inilunsad nilang fundraiser, umabot na ang pera sa PHP45,000. Ang perang ito ay agad naman nilang ibinigay ay Baetiong na hindi sukat-akalain na makakatanggap siya ng ganito kalaking pera matapos lamang ang kanyang masayang post.

Imahe: Benjamin Baetiong/Facebook

Sa interbyu sa GMA News, sinabi ni Baetiong na napakasaya niya at halos nanginginig pa noong tinanggap niya ang pera. May mga tao pa raw na nagse-send sa kanya ng mensahe ukol sa paglulunsad nila ng fundraiser para sa kanya. Dagdag pa ng rider, saktong-sakto ang nataggap niya dahil kamakailan lamang ay na-stroke ang ama niya.

Ayon pa sa Tea Squad, masaya sila na nakatulong sila kahit sa kaunting paraan lamang kay Kuya Benjamin.