Tatay, ibinili ang anak ng sapatos gamit ang naipong pera sa alkansya

Ang pagmamahal ng mga magulang para sa kanilang mga anak ay tunay na walang kapantay. Walang anomang kalaking halaga ng pera o bagay ang makakatumbas rito.

Isa na ngang patunay rito ang viral na mga larawan ng isang ama kasama ang kanyang anak habang nasa loob ng isang tindahan.

Imahe: Heaven Elements/Facebook

Makikita sa naturang mga larawan na si tatay ay tila may binibilang habang sila ay nakapila sa cashier. Ayon sa post ng Facebook page na The Lumad Times, binili raw pala ni tatay ng sapatos ang kanyang anak na siyang katabi niya sa larawan.

Ang perang ginamit ni tatay ay ilang taong ipon niya mula sa kanyang alkansya. Ang binibilang ni tatay habang nasa counter ay mga barya pala mula sa kanyang alkansya.

Imahe: Heaven Elements/Facebook

Bakas rin sa mukha ng ama ang kasiyahan at matamis na ngiti dahil sa wakas ay mabibili niya na ang pangarap na sapatos ng kanyang anak. Hindi naman nagbigay ng detalye ang nag post ukol sa presyo ng sapatos.

Ayon pa nga sa post, giit daw ni tatay na hanggang siya ay nabubuhay ay magsususumikap siya itaguyod ang kanyang anak sa marangal na paraan at gagawin rin niya ang lahat para mapasaya ito.

Imahe: Heaven Elements/Facebook

Hindi man ito malaking bagay, pero dahil mula ang pera sa kanyang pinaghirapan ay nakakataba ng puso ang ginawang ito ni tatay. Ika nga nila, “it’s the thought that counts” kaya saludo kami sa iyo, tatay! Ang kabutihan ng iyong puso at ang pagiging mabuting tao ang siyang magdadala sa inyong pamilya sa kaunlaran.