National Costume ni Miss Malaysia, pinag-usapan sa social Media

Mararamdaman na talaga sa buong mundo ang pageant spirit dahil nagsimula na nga ang pre-pageant para sa itinuturing na “most beautiful day in the Universe,” ang Miss Universe 2020!

Nitong Biyernes, May 14, ang naging unang pasiklaban ng mga kandidata kung saan nirampa nila ang kani-kanilang National Costume. Sa 74 na mga kandidata, isa si Miss Malaysia sa siyang may pinaka-agaw-pansin na National Costume.

Imahe: Senyora/Facebook

Kaya naman, hindi na nakakagulat na agad siyang naging usap-usapan sa social media. Sa kanyang pagrampa, una ay nakasuot siya ng isang black at white na gown na kakulay ng “bahay” na nasa kanyang likuran.

Maya-maya pa, pumasok siya sa bahay na ito at sa kanyang paglabas ay nakapag-palit na siya ng off shoulder na costume na colorful na ngayon at siya namang tumugma sa kulay ng kabilang bahagi ng bahay. Ang kanyang pangalawang damit ay inspired naman sa palubog na araw at dedikasyon rin sa Sarawakian heritage.

Imahe: Senyora/Facebook

Ayon sa The Star, hindi lamang pala ito simpleng bahay kundi sumasalamin ito sa Kampungku o mga tradisyunal na Malay village homes. Umaabot lang naman sa 45 kilos ang bigat ng naturang bahay.

Ang Kampungku ay itinuturing ring selebrasyon ng Malaysian architecture at isang hindi malilimutang simbolo ng nasabing bansa. Ang Kampungku na ating nakita sa costume ni Miss Malaysia ay may kasama pang mga replika ng manok at maging mga kahoy ng niyog.

Hindi naman napigilan ng netizens na mamangha na napaka-detalyadong national costume na ito ni Miss Malaysia. Hindi rin biro ang pagrampa niya kasama nito sa stage ng Miss Universe.