Pangmalakasang “face shield” ni Moira, kinatuwaan sa social media

Ang hinaharap nating pandemya ay lagpas isang taon na kaya halos nakasanayan na rin ng mga tao ang pagsunod sa minimum health standards na ipinatutupad ng pamahalaan. Ito ay ang pagsuot ng face mask, face shield at social distancing.

Imahe: Timmy Bravo/Facebook

Maging ang mga artistang napapanood natin sa telebisyon ay kanya-kanya na ring suot ng kani-kanilang face shield habang nagpe-perform sa entablado. Kadalasan, ang face shield na ito ay isinusuot sa ulo at natatakpan ang buong bahagi ng mukha.

Kaya naman, agad na nakaagaw sa pansin ng mga netizens ang kakaibang face shield na ginamit ni Moira Dela Torre sa singing gig niya sa isang private event.

Imahe: Timmy Bravo/Facebook

Habang hindi tinukoy kung saan naganap ang naturang suow ni Moira, makikita dito na kumakanta siya habang palakad-lakad sa harap ng mga bisita. Ang mas pinansin pa ng netizens ay ang hawak niyang transparent shield na konektado sa isang stand na may gulong pa sa ilalim.

Imahe: Timmy Bravo/Facebook

Dala-dala ito ni Moira habang naglalakad siya at hinaharana ang mga manonood. Ayon sa nag-post ng naturang video clip sa Facebook na si Timmy Bravo, hindi raw siya maka-move-on sa face shield na hawak ni Moira.

Sinang-ayunan naman ito ng netizens kaya naging instant trending ang naturang post. Umabot na nga sa 55,000 ang nag haha react sa 30 seconds clip na ito. At umabot lang naman sa 1 milyon ang views nito.

Ika pa nga nila, hindi lang pala mga puno ng emosyon na music videos ni Moira ang aabot sa milyon ang views, maging ang simpleng pagkanta niya sa mga pribadong event na gaya nito ay aani rin pala nga ganito kadaming views!