Kanal nag silbing tahanan ng mag-asawa sa loob ng 22 years kasama ang kanilang aso

Ang pagkakaroon ng isang tahanan ay isa sa mga pangunahing karapatan ng isang tao. Ngunit, nakakalungkot isipin na marami sa atin ang walang kapasidad na makapagpatayo ng disenteng tahanan para sa kanilang pamilya.

Isa na nga rito si Miguel Restrepo na mula sa Medellin, Colombia. Ang Medellin ay ang pangalawang pinakamalaking syudad sa buong Colombia at umaabot sa 2.7 milyon ang mga residente dito.

Si Restrepo ay dating drug addict na naninirahan sa isang abandonadong kanal sa loob na ng 22 na taon. Kasama niya sa maliit na tahanan ang kanyang asawa at ang alaga nilang aso.

Ayon sa Daily Mail, ang abandonadong kanal na ito na nagsisilbing bahay ni Restrepo ay umaabot lamang sa 3 metro ang lapad, 2 metro ang lalim at 1.4 metro ang taas.

Sa kabila ng maliit na espasyong ito, nakakamangha na nagawan nila ng paraan na maipasok ang isang kalan,electric fan, isang santa claus na figurine at maging ang kama. Ang mas nakakagulat pa ay mayroon pang telebisyon ang mag-asawa sa loob ng maliit nilang tahanan.

Ang lahat ng mga amenities na ito na makikita sa loob ay bunga lahat ng pagsisikap ni Restrepo sa nakaraang dalawang dekada. Sa mga larawan, makikita ang masikip at mahirap na sitwasyon ng pamilya sa araw-araw.

Hindi rin inaalis ng mag-asawa ang kanilang agam-agam na kahit anong oras ay pwede silang paalisin ng mga awtoridad sa abandonadong kanal dahil pag-aari ito ng syudad.

Sa kabila nito, nagtitiis pa rin sila dahil wala naman silang ibang mapupuntahan. Nakakalungkot man pero ito ang katotohanan at pagsubok na araw-araw nilang hinaharap.

Ika nga nila, bawat isa sa atin ay may hinaharap na pagsubok sa ating buhay. Kaya naman, hindi dapat tayo agad na manghusga sa ating kapwa lalo na at hindi natin nasusubukan ang tumayo sa kanilang mga paa.