Online shopper, ikinabit sa hanger sa labas ng bahay ang pambayad sa order niya

Tuwing may oorderin tayo online, dapat rin nating isa-alang-alang ang kapakanan ng mga delivery riders na tinitiis ang mababad sa init o ulan para maihatid lamang ang ating mga parcel.

Makakabuti ang pag-track sa iyong order para malaman ko kung anong araw ito darating. Kung wala sa bahay, mas mainam na mag-iwan na lamang ng pera sa kapatid o sinumang kapamilya. Pero, paano na lang kung walang taong maiiwan sa inyong bahay?

Ang netizen na si Noe Prisco ng Lipa City, Batangas, naisipan na iwan na lang ang perang pambayad sa inorder niya sa labas ng kanilang bahay.

Imahe: Noe Prisco/Facebook

Ayon sa Philippine Star, alam na ni Prisco na noong araw mag-dedeliver ang kanyang order mula sa Shopee, pero, nagkaroon siya ng biglaang lakad at dahil walang taong maiiwan sa bahay nila, sinabit niya na lang sa labas ang pambayad sa inorder.

Ang pera ay nakalagay sa isang maliit na binder clip na nakakabit sa hanger at may papel rin itong kasama na nagmistulang karatula na may nakasulat na “For Kuya Shopee! Kung hindi ka si Shopee, ‘wag mo po kukunin. Nakikita ka ni Lord.”

Imahe: Noe Prisco/Facebook

Marami ang natuwa sa ginawang ito ni Prisco lalo na at kanyang isinalalay ang kapakanan ng driver at ang kanya na ring kagustuhan na makuha ang inorder niya, kaya naman instant trending ang kanyang post.

Sa huli, ayon kay Prisco ay nakuha ng delivery rider ang pera at nakuha niya na rin ang kanyang parcel. Natawa pa nga raw ito sa ginawa ni Prisco at nagpasalamat rin na walang masamang loob na kumuha ng pera.