Lalaki, naka-ipon ng isang drum na bente mula sa pagbebenta ng gulaman

Ang pagtitipid at pagkakaroon ng ipon, ay maituturing na nararapat gawin ng isang tao para sa pagpapaunlad ng kanyang buhay ngunit ang mga ito ay nananatili pa ring mga gawain na tila kay hirap isabuhay.

Kaya naman, isa na namang nakaka-inspire na istorya ang ibabahagi namin ngayon ukol sa isang taong naging desidido sa kanyang pagtitipid na umabot lang naman sa isang drum ng perang papel ang kanyang naipon!

Imahe: Gemma Columna Tolero/Facebook

Ang pinag-uusapan natin rito ay si Gerdan Tolero, 22 taong gulang. Ayon sa GMA news, nagsimulang mag-ipon si Toledo nitong Enero lamang at nagsimula siya sa 30 piraso ng 20-peso na papel.

Imahe: Gemma Columna Tolero/Facebook

Ayon pa kay Tolero, naisipan niyang mag-ipon dahil naging biktima ang kanyang pamilya ng sunog na nangyari sa kanilang lugar sa Tondo, Manila noong nakaraang taon. Walang-wala talaga sila matapos ang nasabing sakuna.

Imahe: Gemma Columna Tolero/Facebook

Para makabangon, nagsimulang maghanap ng mapagkakakitaan si Tolero hanggang sa nagbenta na siya ng gulaman, isda at drum na imbakal ng tubig. Syempre, ang lahat ng ito ay hindi naging madali sa simula ngunit dahil na rin sa pagiging pursigido ni Tolero ay nagpatuloy siya.

Imahe: Gemma Columna Tolero/Facebook

Dagdag pa niya, iniwasan niya rin ang paggastos para sa mga hindi importanteng bagay. “Pag gumastos po ako iniisip ko kung talagang kailangan po, ‘yong mga wants, luho, ‘di ko po muna pinapasok. Talagang wala sa isipan ko,” sabi pa ni Tolero.

Minabuti naman ni Tolero na huwag ng ibunyag kung magkano ang kabuuang halaga ng perang kanyang naipon. Ngunit, ipinaliwanag niya na pi-nost niya ang kanyang #IponChallenge upang maging inspirasyon siya sa mga katulad niyang naghihirap sa buhay.