Community pantry ng mga single? Baka ito na ang pantry na para sayo

Nangingibabaw talaga sa mga Pilipino ang espiritu ng Bayanihan lalo na sa mga panahon ng bagyo, lindol, o iba pang pagkakataon na nangangailangan ng tulong ang ating kapwa.

Ngayon ngang nahaharap tayo sa isang pandemya, nabuhay na naman ang Bayanihan sa ating mga kababayan at sa pagkakataong ito ay sa pamamagitan na ng mga community pantry. Isa lamang ang pamantayan ng mga community pantry at ito ay “magbigay ayon sa makakayanan at kumuha ayon sa pangangailangan.”

Imahe: Jesse James Joves/Facebook

Dahil nga sa mabuting layunin nito, mabilis na nagsulputan na rin ang mga kagaya nito sa buong bansa. Pero, ang netizen na si Jesse James Joves ay may kakaibang twist na ginawa sa community pantry.

Ang kanyang ino-offer ay tinawag niyang, “Jowa Community Pantry.” Sa kanyang post, makikita ang dalawang puting upuan sa labas ng isang kulay berdeng gate. Nakaupo si Joves sa isa sa mga upuan at sa kabila naman ay nakalagay ang karatula na naglalaman ng:

JOWA COMMUNITY PANTRY
– tall, dark and pwede na
– loves the Lord
– no issues
– slightly used

Imahe: Jesse James Joves/Facebook

Ang mga nakalagay sa karatula ay sinasabing mga katangian ni Joves at kung sinomang interesado ay pwedeng-pwedeng agad na lumapit rito.

Marami naman ang natuwa sa paandar na ito ni Joves kaya naman agad na naging trending ang kanyang post. May iba pa nga na nagsabing magpapatayo rin sila ng kagaya nito sa kanilang lugar.

Ang mga pakulo na tulad nito ay sumasalamin lamang sa likas na pagiging masayahin ng mga pinoy. Anumang pagsubok ang ating haharapin, laging nakakahanap ng rason ang mga Pilipino na ngumiti at magpatuloy sa buhay.