Security Guard, asin, bawang at sibuyas ang naging ulam para makatipid

Ngayong panahon ng pandemya, ang mga security guard ay itinuturing rin na frontliners. Kadalasan ay sila ang humaharap sa maraming tao na pumapasok o lumalabas sa mga building at dahil dito ay palaging nariyan ang posibilidad na mahawa sila ng sakit.

Ngunit, nakakalungkot isipin na sa kabila ng sakripisyo nilang ito, maliit lamang ang kanilang sahod at dahil mayroon silang pamilyang binubuhay, kadalasan ay pati pagkain nila ay tinitipid rin.

Imahe: Facebook

Kagaya na lamang ng isang security guard galing Malaysia na ito na nakapukaw sa atensyon ng netizens matapos mai-post ang mga larawan ng kanyang lunch box. Ito ay dahil kanin na may asin lamang ang laman nito. Wala rin siyang ulam kundi ilang pirasong bawang at sibuyas lamang.

Ang nasabing larawan ng security guard ay unang ibinahagi sa Facebook ng kanyang kaibigan na si Apit Lid. Ayon sa kanya, malaking bahagi ng sahod ni kuya ang pinapadala niya sa kanyang pamilya kaya kakarampot lamang ang natitira para sa sarili niya.

Imahe: Facebook

Ayon pa sa Times Now, ito ang nagsisilbing pantawid gutom ni kuya sa kanyang mahabang shift. Makikita rin na naka-pwesto lamang si kuya sa isang gilid para kainin ang kanyang pagkain at wala man lang disenteng pwesto na may mesa at upu-an kung saan siya pwedeng kumain.

Imahe: Facebook

Maraming netizens ang di mapigilang kaawaan ang sitwasyon ni kuya, dahil kahit wala itong pagkain at ganoon ang sitwasyon niya tuwing kakain ay pilit pa rin itong pumapasok sa kanyang duty. Lahat ng ito ay ginagawa niya para sa mahal niyang pamilya.

Marami rin ang humanga kay kuya dahil sa kanyang pagiging pursigido at kanyang dedikasyon sa trabaho gaano man kahirap ang kanyang sitwasyon.

Saludo kami sa mga tulad mong totoong tao, kuya. Sana ay pagpalain ka pa ng panginoon dahil hindi biro ang sakripisyong ginagawa mo bawat araw.