Pinakamalaking saging abot sa 15 metro ang taas

Ang mga puno ng saging ay karaniwang makikita sa iba-ibang lugar dito sa Pilipinas. Pero, alam niyo ba na mayroong isang uri ng punong ito na tinaguriang “higanteng saging” dahil sa taas nito na halos limang beses na mas mataas sa karaniwang puno na lagi nating nakikita.

Imahe: Wild on Camera/Youtube

Ang uri ng punong saging na ito ay tinatawag na Musa Ingens at ito ay makikita sa mga kagubatan ng Papua New Guinea at Indonesia. Ito ang pinakamataas na specie ng saging sa buong mundo!

Imahe: Facebook

Ayon sa The Stat World, umaabot lang naman sa 15 metro ang maaring maging taas nito samantalang ang circumference naman ng kanyang katawan ay maaring umabot sa 2 metro. Kung pag-uusapan naman ang mga dahon nito, maari itong humaba ng 5 metro at lumapad ng isang metro.

Imahe: Wild on Camera/Youtube

Kahit na ito ang pinakamalaking puno ng saging, kabaliktaran naman nito ang kanyang mga bunga. Kung ang lagi nating kinakain na saging ay “seedless” at kadalasang katamtaman ang laki, ang Musa Ingens ay mayroong maliliit na bunga at mayroon pang malalaking binhi kaya naman hindi ito kadalasang kinakain ng mga tao.

Minsan ay tinatawag ito na “monkey bananas” dahil ang pagkain nito habang idinudura ang malalaking binhi ay hindi na ginagawa ng mga tao kaya iniiwan na lamang ito para sa mga unggoy.

Imahe: Facebook

Gayunpaman, ang laki at taas pa lamang ng punong ito ay sapat na para busugin hindi ang tiyan kundi ang mata ng sinumang makakakita rito.

Panoorin ang videong ito na nai-upload noong 2016 kung saan ipinapakita ang aktwal na Musa Ingens. Makikita rin rito kung gaano ito kalaki kung ikukumpara sa isang tao: