Batang nagpasalamat sa simpleng handa para sa kaarawan niya, hinangaan sa social media.

Ang kaarawan ng bawat tao ay isang beses lamang nangyayari sa bawat taon. Tila trandisyon na talaga ng marami sa atin ang makapaghanda, kahit na kaunti lamang bilang selebrasyon ng espesyal na okasyong ito.

Ngunit, mayroon ring iba sa atin na tila hindi binibigyang halaga ang pagsisikap ng ating mga magulang o pamilya na maihanda tayo ng pagkain sa ating kaarawan. Kaya naman, napuno ng papuri at naging trending pa nga ang post ng isang bata ukol sa kanyang pagpapasalamat sa kanyang kaarawan.

Imahe: Rodelio Tualla/Facebook

Ang ating tinutukoy ay si Rodelio Tualla na siyang nag post ng kanyang selfie katabi ang isang kawali na puno ng spaghetti. Ayon sa caption ni Rodelio, nagpapasalamat siya sa kanyang ina na kahit mayroong bagyo sa kanilang lugar ay ipinaghanda pa rin siya nito ng spaghetti para sa birthday niya.

Imahe: Rodelio Tualla/Facebook

Kita rin ang isa pang larawan kung saan katabi ni Rodelio ang kanyang ina na kumukuha ng spaghetti mula sa kawali at isinasalin ito sa isang pinggan.

Ang isa pang larawan ay si Rodelio naman na nakangiti at buhat-buhat ang isang kawali na puno ng spaghetti.

Imahe: Rodelio Tualla/Facebook

Maraming netizens ang bumati kay Rodelio sa kaarawan nito at gayon na lamang ang kanilang kasiyahan sa pagiging mabait na bata niya at pagbibigay niya ng importansiya sa sakripisyo at pagmamahal ng kanyang magulang.

Si Rodelio ay patunay na sa ating buhay, hindi man tayo mayaman sa mga materyal na bagay, ang importante ay kuntento tayo sa kung anong mayroon tayo. Sa pamamagitan ng pagiging kuntento, kusang uusbong ang natural na kasiyahan hindi lamang sa ating sarili kundi pati na rin sa mga tao sa ating paligid.