Pustiso, tumusok sa gulong ng isang sasakyan

Hindi talaga maiiwasan ang mga aberyang pwedeng mangyari sa isang sasakyan habang ito ay nasa daan. Maaring magkaroon ng problema sa makina nito o di kaya’y sa ibang pang pisikal na bahagi ng sasakyan.

Pero, ang ibinahagi ng isang netizen na si Leo Ricarte ay talagang isang pambihirang karanasan dahil hindi bato, kahoy o basyong bote ang tumusok sa gulong ng kanyang sasakyan kundi isang buong pustiso!

Imahe: Leo Ricarte/Facebook

Ayon sa post na ibinahagi ng Bayan Mo, Ipatrol Mo sa kanilang Facebook account, si Ricarte na mula pa sa Brgy. Sta Elena, Iligan City, Lanao Del Norte ay mabiro pang nagtanong ng “kaninong pustiso ito?” ng ibinahagi niya ang mga larawan kung saan kitang-kuta ang nakatusok na pustiso sa isa sa mga gulong ng kanyang sasakyan.

Dagdag pa ni Ricarte, nagmamaneho raw siya noong mapansin niya mula sa kanyang side mirror na may isang bagay na tila ay nakadikit sa kanyang gulong.

Imahe: Leo Ricarte/Facebook

Kaya naman, minabuti niyang ihinto ang sasakyan upang matignan kung ano ito. Noong nakalapit na siya, dito na niya nakumpirma na isang pustiso ang naroon.

Sinubukan pa ni Ricarte na tanggalin ang nasabing pustiso ngunit butas na ang gulong ng kanyang sasakyan. Minabuti niya rin na subukin ang iba-ibang paraan ng pagkukumpuni sa gulong niya sa pag-asang magagamit pa niya ito ngunit hindi na talaga ito makukumpuni.

Imahe: Leo Ricarte/Facebook

Kinailangan pa ni Ricarte na bumili ng bagong gulong ng sa gayon ay muli niyang magamit ang kanyang sasakyan.

Ayon pa kay Ricarte, first time niyang makaranas ng ganito kaya minabuti niyang ibahagi ito sa social media.

Samantala, naging palaisipan naman sa mga netizens kung paano napunta sa daan ang pustisong iyon at kung sino nga ba ang may-ari nito.