Babaeng may pinakamahabang kuko pinaputol na matapos ang 30 na taon

Ang mga kuko ay nagiging bahagi na rin ng kabuuang fashion statement ng isang tao, lalo na para sa mga babae. Sa katunayan, naglipana na nga ngayon ang mga nail salon na nagbibigay ng nail art services.

Pero, para kay Ayanna Williams na mula sa Houston, Texas, ang kanyang kuko ay hindi lang bahagi ng fashion statement niya kundi ng buo na niyang pagkatao. Pinahaba niya lang naman ang mga ito sa loob ng halon tatlong dekada!

Si Williams lang naman ang nagmamay-ari ng titulo bilang may pinakamahabang kuko sa buong mundo. Sa katunayan, simula pa noong 2017 ay kinilala na siya ng Guiness Book of World Records.

Sa isang video na inilabas ng Guinness sa kanilang Instagram account, makikitang pinabawasan na ni Williams ang kaniyang makukulay na kuko na umabot sa higit 24 feet o nasa 733 cm.

Dahil sa haba ng mga ito, hindi nailcutter ang ginamit ni Dr. Allison Readinger ng Trinity Vista Dermatology kung ‘di electric rotary tool upang isa-isang putulin ang mga kuko ni Williams.

Sa kabila ng karangalan na ibinigay sa kanya at sa kanyang pamilya ng mahahaba niyang kuko, napagtanto ni Williams na nakakaranas na siya ng hirap at nagiging sagabal na ito sa paggawa ng mga gawaing bahay kagaya ng paghuhugas ng pinggan at paglinis ng kanyang kwarto.

Kaya naman, ayon sa ABS-CBN, napag-isipan niya na magsimula ng panibagong yugto ng kanyang buhay. Kahit aminado siya na mahihirapan siya sa simula, kampante naman siya na masasanay rin siya sa mas pinaikli na niya ngayong mga kuko.

Ang mga tinanggal na kuko kay Williams ay ilalagay sa museo ng Ripley’s Believe It or Not sa Orlando, Florida.

Ayon pa kay Williams, “With or without my nails, I will still be the queen. My nails don’t make me, I make my nails!”