Mga anak, gumawa ng balloon mula sa plastic para surpresahin ang kanilang ama sa birthday nito

Ang pagiging malikhain ay likas na talaga sa marami sa atin. Lalo na kung ang pag-uusapan ay ang paghahanap ng mga alternatibong bagay na pwedeng ipamalit sa mga medyo may kamahalang bilihin.

Ito na nga ang ginawa ng mga batang trending ngayon dahil sa kanilang pagiging malikhain para kanilang maidiwang ang kaarawan ng kanilang ama kahit na medyo kapos sila sa buhay.

Imahe: Melody Silang/Facebook

Ayon sa Facebook post ni Melody Silang, tuwang-tuwa at na-touch siya ng kanyang masaksihan ang ginawa ng kanyang mga kapitbahay. Dahil wala silang pambili ng lobo, pinalobo nila ang mga plastik labo. Sinulatan pa nila ito ng “Happy Birthday Papa.”

Imahe: Melody Silang/Facebook

Para makumpleto ang pagiging lobo ng mga ito, isinabit nila ito sa mga sampayan sa labas ng kanilang bahay. Makikita sa mga larawang ini-upload ni Silang na grabe talaga ang effort na ginawa ng mga bata para sa selebrasyong ito. Ginawa nila ito upang surpresahin ang kanilang ama na nasa trabaho pa noong panahong iyon.

Imahe: Melody Silang/Facebook

Dagdag pa ni Melody, mayroon pang ginawa ang mag-anak na cake na ginawa naman nila mula sa mga itlog. Hindi man niya ito nakunan ng larawan, bakas naman ang tuwa sa mukha ng mga bata sa mga larawang ini-upload niya.

Imahe: Melody Silang/Facebook

Ang mga batang ito ay patunay lamang na hindi karangyaan o anumang materyal na bagay ang makapagbibigay ng tunay na kasiyahan sa isang tao. Kadalasan, ito ay ang pagkakaroon ng kumpletong pamilya na nagsasama at palaging nariyan para sa isa’t-isa anumang hirap o pagsubok ang kailangan harapin sa buhay.