Tatay na nagbebenta ng dyaryo, nag-ipon ng pera para mabili ang tshirt ng anak

Wala nang ibang mahihiling pa ang mga magulang kundi ang makabubuti para sa kanilang mga anak. Handa silang magsakripisyo kahit sarili pa nilang kapakanan para lamang sa minamahal nilang anak.

Isa na nga dito si Tatay Franco. Ang istorya ni tatay ay ibinahagi ng Philippine Star sa kanilang Facebook account.

Ayon sa kanilang post, si Tatay Franco ay isang newspaper boy. Sabi pa ng may-ari ng isang clothing shop sa Biñan City, Laguna, na si Mark Eimer, palagi raw nilang nakikita si Tatay na sumisilip sa tindahan at ito ay dahil sa kagustuhan ng kanyang anak na makabili ng damit.

Imahe: Mark Eimer/Facebook

Kaya naman, naisip ni Tatay Franco na pag-ipunan ito. Dahil sa pakiki-simpatya kay Tatay Franco sa damdamin nito bilang isang ama, naisipan ni Eimer na ibenta and gustong t-shirt ng anak ni tatay sa discounted na presyo.

Ibinenta niya na lamang ito sa halagang 450 pesos. Ang original na presyo nito ay nasa 700 pesos.

Dagdag pa ni Eimer, masaya na siya na sa kahit maliit na paraan ay nakatulong siya kay Tatay Franco. Labis naman ang tuwa ng anak ni tatay at halos magtatalon ito noong pauwi na sila.

Hindi nagtagal, marami ang napukaw ang atensyon sa kwentong ito ng isang ulirang ama. Marami ang pumuri kay Tatay Franco sa pagmamahal na ipinakita niya para sa kanyang anak.

Umulan din ng papuri para sa clothing shop sa pagbibigay nila ng diskwento kay tatay Franco kahit pa hirap rin sila sa kanilang negosyo ngayong may pandemya.

Sadyang may likas na kabutihan na nakaukit sa pagkatao ng bawat tao sa ating paligid. Hindi man natin ito nakikita araw-araw, tiyak na darating ang panahon na ito ay kusang uusbong.