Online seller “tumigil ang mundo” nang tanungin ng pulis kung isa siyang supplier

Marami sa ating mga kababayan ang nagsisimula ng kanilang maliit na negosyo sa pamamagitan ng pagbebenta online. Maaring damit, sapatos, pagkain at marami pang ibang produkto ang pwedeng ibenta online.

Si Sheena Rea ay isa na nga sa mga kababayan nating nakikipagsapalaran rin sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga damit online. Ngunit, laking gulat niya ng isang araw ay makatanggap siya ng mensahe mula sa isang potensyal na kustomer.

Imahe: Sheena Rea/Facebook

Ang nasabing kustomer na hindi na niya pinangalanan ay nakasuot ng pulis na uniporme sa kanyang profile picture. Kaya naman, labis na kinabahan si Sheena ng mag-send ito ng mensahe na “Supplier k b?”

Dahil nga kabuhayan niya ang pagbebenta online, mabilis na nakasagot rito si Sheena at nagsabing “hala sir. hindi po.”

Matapos ang paghihintay ng mahigit 30 segundo, nakatanggap ulit ng reply si Sheena mula sa nasabing pulis. Ayon dito, ang ibig niyang sabihin sa kanyang tanong ay kung supplier ba si Sheena ng mga damit lalo na ang mga pambata.

Imahe: Sheena Rea/Facebook

Dagdag pa ng pulis, naitanong niya ito dahil interesado ang kanyang misis na bumili ng mga damit na pambata. Sinabi pa nito na nasa Marikina Area lang sila.

Ayon pa sa post ni Sheena sa kanyang Facebook account, ito na raw marahil ang pinakamatagal na 30 seconds ng kanyang buhay. Biro pa niya, sana sa susunod daw ay kumpletuhin na ni “sir” ang kanyang tanong para wala na siyang kaba na maramdaman sa paghihintay sa sunod nitong sasabihin.

Samantala, marami naman ang natawa sa karanasang ito ni Sheena at nagsabing hindi nila ma imagine ang kanilang mga sarili kung ano ang kanilang isasagot kapag sila na ang nasalang sa ganitong sitwasyon.