Samantha Bernardo trending dahil sa “mapanakit” na video

Sa katatapos lamang na Miss Grand International pageant na ginanap sa Thailand, ang pambato ng Pilipinas na si Samantha Bernardo ang itinanghal na first runner up.

Isa na naman itong dagdag na karangalan para sa ating bansa kung saan marami talaga ang tinatawag na pageant enthusiasts o yung mga taong mahilig manood at magbigay ng kanilang opinyon ukol sa mga patimpalak sa kagandahan.


Usap-usapan ang outstanding performance ni Samantha sa nasabing pageant at mayroon pa ngang mga nagsasabi na karapat-dapat siyang koronahan.

Ngunit, wala sa mga ito ang rason kung bakit trending ngayon si Samantha. Ito ay dahil sa isang video niyang kumakalat online na pinamagatang “mapanakit.”

Imahe: Samantha Bernardo/Facebook

Ang nasabing video, ibinahagi pa mismo ni Samantha sa kanyang Facebook page. Makikita dito ang kanyang nakakatuwang reaksyon sa mga anunsyo at behind the scenes sa nasabing pageant.

Una na rito ang paghampas niya sa kamay ni Miss USA noong silang dalawa na lamang ang naiwang bilang top 2.

Ang mga sumunod pang bahagi ng video ay makikita si Samantha kasama ang iba pang candidates. Dito naman, makikita talaga ang kanyang pagiging energetic at siyang palaging nagpapatawa sa kanyang mga kasamahan.

Ayon pa sa post ni Samantha, sadyang napakasaya niya sa panahong iyon kaya hindi na niya napigilan ang genuine niyang reaksyon lalo na at matagal na niya itong pinapangarap.

Ang pagiging bibang ito ni Samantha ay sadyang likas daw sa kanya at mapapatunayan ito ng maraming taong malapit sa kanya. Dagdag pa ng beauty queen, likas na talaga sa kanya ang pagiging puno ng kasiyahan at pag-asa anumang pagsubok ang dumating sa kanyang buhay.