Lalaki nagulat nang makitang may kutsilyo na nakabaon sa kanyang katawan

Mahigit isang taon na ang lumipas ng mabiktima ng pananaksak si Kent Ryan Tamao, isang binata mula sa Kidapawan City, North Cotabato. Kaya naman, laking gulat niya ng nakita niya ang resulta ng kanyang X-Ray kung saan klarong-klaro ang nakabaon na kutsilyo sa kanyang katawan.

Ayon sa Pep, noong kanilang makausap si Tamao, ikinwento nito na gabi ng January 4, 2020 nang mabiktima siya ng pananaksak malapit sa kanilang lugar sa Barangay Amazion sa Kidapawan City.

Imahe: Luis Fuerte Jr./Facebook

Isinugod siya kasama ang kanyang pinsan sa isang pampublikong ospital, kung saan ginamot ang sugat na dulot ng pagkakasaksak sa kanya. Sumailalim muna siya sa blood test bago tinahi ang kanyang sugat.

Dagdag pa ng binata, wala naman daw silang naka-away na kahit sino kaya naniniwala siya na napag-tripan lamang siya ng kung sino mang tao ang sumaksak sa kanya.

Matapos ito, nagpatuloy sa kanyang buhay si Tamao. Bukod sa pagsakit ng tinahing parte ng kanyang katawan tuwing malamig ang klima, wala naman siyang ibang naramdaman sa kanyang katawan.

Imahe: Luis Fuerte Jr./Facebook

Kaya naman, laking gulat niya ng sumailalim siya sa X-Ray nito lamang March 23, 2021 at nadiskubre na mayroong blade ng kutsilyo sa kanyang tadyang. Halos 14 na buwan na palang naroon ang nasabing blade ng kutsilyo.

Ayon pa kay Tamao, natulala lamang siya ng makita ang resulta ng kanyang X-Ray at hindi makapaniwala sa rebelasyon.

Ang kaawa-awang sinapit ni Tamao ay ipinost sa Facebook ng kapitbahay at malapit na kaibigan niyang si Luis Fuerte Jr. Ang panawagan nila ngayon ay mabilis na moperahan si Tamao dahil ayon sa kanyang doktor ay malapit nang tumusok sa kanyang baga ang nasabing blade ng kutsilyo.

Gayundin, nananawagan si Fuerte na sana ay mapanagot sa batas ang lalaking sumaksak kay Tamao.