Sa sobrang bilis ng delivery, seller binigyan ng 3 stars ng customer

Usong-uso talaga ngayon ang online shopping. Kaya naman, marami sa ating mga kababayan ang nagsisimula na rin ng kanilang negosyo online kahit sa maliit na puhunan lamang.

Isa sa pinaka-importanteng bahagi ng pagiging online seller ang pagkakaroon ng 5-star na ratings. Sa pamamagitan nito, makakapagdesisyon ang customer kung oorder ba sila sa isang shop dahil ang rating ay binibigay ng mga customer na nakabili na sa nasabing online store.

Kaya naman, hindi naiwasan ng isang online seller na si  Jace Sarmiento ang mag-post ng screenshot noong makatanggap siya ng nakakatawang reply mula sa isang customer na nagbigay ng rating na 3 stars sa kanyang shop sa Lazada.

Imahe: Jace Sarmiento/Facebook

Sa nasabing screenshot ng kanilang pag-uusap, sa ngalan na rin ng customer service, nagtanong si Jace kung bakit iyon ang naging rating ng nasabing customer. Kadalasan kasi kapang ganito, maaring mayroong sira o hindi tamang item na naideliver.

Ngunit sa kaso ng customer, disappointed daw siya dahil masyadong maaga ang delivery ng kanyang mga inorder. March 19 niya daw inorder ang items at hindi niya akalain na March 20 ay darating ito kaagad. Dagdag pa niya, akala niya daw ay 3 to 5 days pa ito mai-dedeliver kaya hindi siya nakapag-iwan ng pera sa kanilang bahay.

Imahe: Jace Sarmiento/Facebook

Samantala, ayon pa sa Virtual Pinoy, maraming netizens naman ang natawa na lamang sa hinanaing na ito ng customer. May nagsabi pang dapat daw si seller na lang ang mag-adjust.

Imahe: Jace Sarmiento/Facebook

Mayroon ring sarkastikong nagsabi na kasalanan ito ni Lazada dahil dapat daw ay nagbibigay muna ng abiso sa mga customer o di kaya ay magbigay ng option na pagkatapos pa ng dalawang araw ide-deliver ang mga inorder.

Nakakatawa nga naman ang mga ganitong uri ng customer. Pero sana, huwag na nilang idamay ang mga online shop na naghahanapbuhay lang naman ng matiwasay.