Lalaki, nagbahagi ng “life hack” paano gawing temporary PC ang cellphone

Ngayong may kinakaharap tayong pandemya, maraming mga trabaho ang naisalin na sa work from home set-up. Sa pamamagitan nito, maraming tao ang nasa bahay na lamang nila habang nagtatrabaho o di kaya ay uma-attend ng klase.

Kasabay nito, naging mataas din ang demand sa mga Personal Computers at Laptops. Pero, hindi pa rin natin maalis ang katotohanan na marami sa ating mga kababayan ang hindi na makakaya ang bumili pa ng panibagong laptop o computer.

Imahe: Alex Anshely Smith/Facebook

Kaya naman, isang netizen na si Alex Anshely Smith ang nagbahagi ng kanyang “life hack” kung saan nakagawa siya ng mistulang PC set-up gamit lamang ang kanyang cellphone.

Sa nasabing post, makikita ang set-up ni Smith na isang cellphone na nakalagay sa phone holder, keyboard, mouse at mouse pad. Ang maganda pa dito, nabili niya ang lahat ng gamit sa murang halaga lamang sa shopee.

Ang Micro USB hub na ginamit niya para mai-connect ang mga devices sa kanyang cellphone ay nagkakahalaga lamang ng Php 88. Ang phone stand naman ay umabot lang ang presyo sa Php 39 at ang keyboard at mouse ay Php 237. Malayong-malayo ito sa presyo ng isang PC o laptop na umaabot sa ilang libong piso.


Samantala, maraming netizens naman ang namangha sa nadiskubreng ito ni Smith. Umabot lang naman sa 26,000 ang nag share at 2,000 naman ang nag react sa nasabing post.

Malaking tulong talaga ito lalo na sa mga medyo mahigpit ang budget para sa kani-kanilang pamilya. Ngayong marami tayong kinakaharap na problema, ang pagiging malikhain at positibo sa buhay ang ilan lamang sa mga bagay na tutulong sa atin na malagpasan ito.