Abogado, nagbigay ng opinyon ukol sa “nilabag” na batas ni Ivana Alawi sa isang viral video

Kamakailan lang, naging trending na naman si Ivana Alawi ngunit hindi dahil sa kanyang mga sexy na larawan o video kundi sa isang vlog niya kung saan nagpanggap siya bilang isang pulubi. Sa nasabing video, sinoman ang magbigay ng limos kay Ivana ay gagantimpalaan niya ng x1000 ng halagang kanilang ibinigay.

Imahe: Ivana Alawi/Youtube

Mabilis na naging viral ang nasabing video dahil marami ang na-touch sa kawang-gawa na ginawa ni Ivana. Ngunit, isang abogado ang may kasalungat na opinyon at nagsabing may nilabag na batas si Ivana sa video niyang ito.

Ayon kay Atty. Libayan ng YouTube channel na BatasNatin, ipinagbabawal sa batas ang pagbibigay at paghingi ng limos sa ilalim ng Anti Mendicancy law. Sa kabila ng magandang hangarin ni Ivana na makatulong, pinopromote umano nito ang pagbibigay ng limos.

Dagdag pa ni Atty. Libayan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng gantimpala ni Ivana, mistulang hinihikayat pa niya ang mga tao na lumabag sa nasabing batas.

Kailanman ay hindi naging masama ang tumulong sa kapwa pero dapat ay gawin ito sa tamang paraan kung saan walang batas na malalabag, sabi pa ni Atty. Libayan.

Ayon naman sa Kami, matapos mapanood ng mga netizens ang video niyang ito, marami sa kanila ang nagbigay rin ng kani-kanilang opinyon ng hindi pagsang-ayon sa abogado. Sagot naman ni Atty. Libayan, ang batas ay hindi nakasalalay sa emosyon ng isang tao. Nagbigay lamang siya ng kanyang opinyon base sa batas.

Mayroon ring kumwestiyon kung bakit sa lahat ng vlogger ay napili niyang magbigay ng opinyon ukol kay Ivana. Ayon kay Atty., ang pagiging influencer ni Ivana ay nangangahulugang marami siyang taong naiimpluwensiyahan kaya napili niyang magbigay ng opinyon ukol dito.