Doktor nagulat sa natanggap na envelop galing sa pasyente 6 buwan na ang nakaraan

Ang pagiging doktor ay isa na marahil sa pinakamahirap na propesyon na maaring mapili ng isang tao. Hindi biro ang makaharap ng walang buhay ng katawan ng mga tao bawat araw habang nag-iisip na maari mo pa sana silang maisalba.

Sa kaso ng isang doktor mula sa Cebu na si Doc Alfie Calingacion, labis na napukaw ang kanyang damdamin ng isa niyang pasyenteng halatang naghihikahos sa buhay. Sa kagustuhan ng doktor na makatulong kahit sa maliit na paraan, binigyan niya ng pambili ng gamot ang nasabing pasyente.

Image: Alfie Calingacion/Twitter

Ayon pa sa Definitely Filipino, ibinahagi ni Doc Alfie ang kanyang karanasan sa kanyang Twitter account kung saan naalala niya ang nasabing tagpo na nangyari noong nakaraang taon pa.

Sa pagpapatuloy pa ng doktor, nagulat na lamang daw siya ng kamakailan lang ay bumalik ang naturang pasyente sa kanilang health center. Sa una, akala niya ang mayroon na naman itong dinadamdam at magpapakonsultang muli.

Image: Alfie Calingacion/Twitter

Ngunit, nagulat na lamang siya ng lumapit ito at nagsabing, “Doc bayad ko sa akong utang nimo.” Binigyan siya nito ng isang papel na pera pala ang laman. Ayon kay Doc Alfie, mahigit anim na buwan na ang nakalipas ng huli silang nagkita ng nasabing pasyente.

Dagdag pa ni Doc Alfie, dahil kalimitang walang supply ng gamot ang kanilang center, hindi maiiwasang siya na mismo ang magbigay ng pera sa mga taong kumukonsulta sa kanila. Hindi naman daw intensyon ni Doc Alfie na maghintay ng bayad, ang gusto niya lamang ay makatulong sa mga taong higit na mas nangangailangan.